TAMPOK | Norte, dinagsa ng mahigit 100 kalahok sa palihan ng malikhaing pagsulat

Pumalo sa mahigit 100 na mag-aaral mula sa iba’t- ibang paaralan sa Dibisyon ng Lungsod ng Heneral Trias ang nakilahok sa palihan ng malikhaing pagsulat ng mga kuwentong pambata na patuloy na isinasagawa ngayon sa Covered Court ng Mataas na Paaralang Pambansa ng Luis Y. Ferrer Jr. Norte bilang pangalawang bahagi ng gawaing sinimulan nakaraang Sabado.

Namuno sa aktibidad na ito ang Departamento ng Filipino ng nasabing paaralan na pinangasiwaan ni Bb. Irine D. Macalindong, Focal Person sa Filipino, G. Erwin A. Asugui, Dalubguro I, at Dr. Naneth P. Salvador, Punungguro I.

Ipinaliwanag ng tagapagsalita sa palihan na si G. Sherald C. Salamat ang mga pangunahing elemento sa paggawa ng mga kuwentong pambata at mga makabuluhang suhestyon upang mapayabong ang kaalaman ng mga mag-aaral sa pagsulat ng mga piyesang pampanitikan na gamit ang wikang Filipino.

Inilahad din sa pagpupulong ang ilan sa mga halimbawa ng mga kuwento na angkop sa lebel ng kumprehensyon ng mga bata at naglalaman ng mga aral na maaaring mailapat sa totoong buhay.

“Na-appreciate ko at naghost ng ganitong gawain ang North High at nabigyan kaming mga mag-aaral sa Gentri ng pagkakataon na ipakita ang aming natatanging talento sa pagsulat ng kuwento, ani ng isang Grade 9.”

Dumalo din sa palihan at nagbahagi ng mensahe si G. Arnaldo O. Estareja, Tagapangasiwa ng Programa sa Edukasyon sa Filipino.

Loading