Isinagawa ang isang Orientation Program hinggil sa School-Based Immunization (SBI), Deworming, at Dengue Prevention na dinaluhan ng mga magulang ng ating mag-aaral.
Sa kanyang pambungad na pagbati, binigyang-pugay ni Dr. Naneth P. Salvador, Principal II, ang partisipasyon ng mga magulang at stakeholders na patuloy na sumusuporta sa mga programang pangkalusugan ng paaralan.
Sa programa, ipinaliwanag nina Ms. Richelle R. Javier, RN mula sa City Health Office at Ms. Mary Grace Eyaya, RN mula sa DOH ang kahalagahan ng School-Based Immunization kung saan libreng ibinibigay ang bakunang Measles-Rubella (MR) at Tetanus-Diphtheria (TD) para sa mga mag-aaral ng Grade 1 at Grade 7. Binigyang-diin nila na ligtas at mahalaga ang mga bakunang ito upang maprotektahan ang mga bata laban sa malulubhang sakit.
Tinalakay din ang tamang pag-iwas sa dengue, kabilang ang kahalagahan ng pagpapanatili ng malinis na kapaligiran at pag-aalis ng mga nakatiwangwang na tubig na maaaring pamugaran ng lamok. Nilinaw din na ligtas ang fogging na isinasagawa sa mga barangay at itoโy bahagi ng mas pinaigting na hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng dengue.
Bukod dito, ipinaalala rin ang kahalagahan ng deworming bilang proteksyon ng mga bata laban sa mga sakit na dulot ng bulate sa tiyan.
Sa pagtatapos, muling ipinaalala ng mga tagapagsalita na LIBRE ang lahat ng bakunang ibinibigay sa ilalim ng School-Based Immunization program ng DOH at DepEd.

